Header Ads

MUST READ: Mas dapat manaig ang hustisya sa SAF 44 kesa sa text ni Kris!



KAHIT papaano ay masaya na ngayon ang pamilya ng 42 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) na nasawi sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.
Ito’y matapos aprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) para sa posthumous award ng nasawing SAF commandos.
Medal of Valor ang pinakamataas na parangal na ibinibigay sa lahat ng miyembro ng pulis at militar. Bukod sa mataas na karangalan, may kaakibat itong benepisyo mula sa biyuda, anak at kahit magulang kung binata ang paglalagakan ng nasabing medalya.
Ilan dito ay ang lifetime monthly gratuity na P20,000 na hiwalay sa pensiyon o sahod na tinatanggap ng biyuda at scholarship sa mga anak mula elementerya hanggang makatapos sa kolehiyo.
Dalawa lamang sa Gallant 44 ang ginawaran noon ng Medal of Valor ng dating Pangulong Noynoy Aquino, bagay na lalong nagbigay hinanakit sa natitirang 42 SAF members.
Bakit nga naman hanggang sa pagbibigay ng dakilang parangal ay ‘namili’ pa ang manhid na Presidente.
Maigi na lang at may Pangulong Duterte na nag-utos mismo sa Napolcom na pag-aralan ang paggawad ng Medal of Valor sa natitira pang 42 SAF members.
Wala pang isang buwan, naglabas ng rekomendasyon ang Napolcom na kaagad ding kinatigan ng Punong Ehekutibo.
Nakakita ng pag-asa ang mga naulila ng SAF 44 sa hakbang na ito ng Duterte administration. Kahit papaano, maitatawid na nila ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay na nangungulila sa yakap, aruga at pagmamahal ng isang asawa, anak at ama ng tahanan.
Binuo ni Digong ang kani-kanilang hapag-kainan ng SAF 44 na binasag ng isang sitwasyong kagagawan, hindi lamang ng mga bandidong Muslim, kundi bunga na rin mismo ng kapalpakan ng nakalipas na administrasyon.
Kahit saang anggulo tingnan, walang ibang dapat sisihin sa malagim na trahedya noong January 2015 kundi si Aquino mismo.
Kung ginampanan lamang sana nito ang pagiging isang tunay, magiting at matalinong Commander-in-Chief ng bansa, hindi sana nakatay nang wala sa oras ang mga mandirigma nating alagad ng batas.
Kung hindi nito hinayaang makialam sa Oplan Exodus ang suspendidong PNP chief noong oras na iyon na si dating Director General Alan Purisima, eh di sana nagkaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng officer-in-charge ng PNP na si Deputy Director Dindo Espina at dating AFP chief of staff Gregorio Catapang.
Kahit anong gawing paninisi ni PNoy kay dating SAF commander Gen. Getulio Napeñas, walang ibang dapat sisihin kung ano ang punu’t dulo ng kapalpakan ng Oplan Exodus ay si Aquino mismo.
Hindi matatakpan sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginawang paninisi at pagtuturo ng mali ni PNoy kay Napeñas dahil kahit isang batang nag-aaral sa sekondarya ay alam nilang kapag suspendido ang isang tao, wala itong karapatang magtrabaho.
Bago ang pag-apruba ng Malakanyang sa Medal of Valor ng 42 SAF members, ibinuking ng Pangulong Duterte ang text message na ipinadala sa kanya ni Kris Aquino, ang kontrobersiyal na bunsong kapatid ni PNoy.
Ani Duterte: “Si Kris nag-text. Sabi, ‘Huwag mo namang ipakulong si Noynoy’.”
Sumagot naman aniya si Digong na: “No Kris. I am not out to find faults. I just want to know the truth.”
Para sa mga naulila ng SAF 44, nakababahala ang ganitong uri ng text.
Ugali na talaga ng mga Aquino na gamitin ang kanilang ‘impluwensiya’ sa tuwing nalalagay sa isang sitwasyon. Bagaman maayos ang tugon ni Duterte, dapat pa ring bantayan ito para abisuhan ang matapang nating Pangulo ng bansa na hindi dapat siya maimpluwensiya ninuman tungkol sa paghanap ng katotohanan kung bakit naganap ang pagmasaker sa SAF 44.
Higit sa pag-alam sa tunay na katotohanan, dapat ding magkaroon ng pananagutan ang mga taong nasa likod kung bakit naganap ang malagim na patayan na maiiwasan sana kung naging responsible lamang ang commander-in-chief noong oras na iyon.
Hindi dapat matapos sa paggawad ng Medal of Valor sa ating SAF 44 kundi tungkulin din ng husgado na manaig ang pagbibigay ng hustisya sa kanila kesa sa text ng isang laos na Kris Aquino.

[source]

No comments

Powered by Blogger.